Naisampa na sa piskalya ang kaso laban sa isang tricycle driver na inirereklamo dahil sa umano’y pambabastos sa isang pasahero sa bahagi ng Tapuac, Dagupan City kamakailan.
Ayon kay PCapt. Shayne G. Daciego, Officer-in-Charge ng Women and Children Protection Desk ng Dagupan City Police Office, agad na nagsagawa ng follow-up investigation ang pulisya matapos makatanggap ng ulat mula sa Police Station 4 hinggil sa insidente.
Nabatid na humingi ng tulong ang biktima sa mga security guard sa lugar matapos umano siyang mabastos habang sakay ng tricycle na patungo sana sa Barangay Lucao.
Nakuha rin ng biktima ang plate number ng naturang sasakyan na naging batayan ng pulisya upang matukoy ang suspek sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office o LTO.
Gayunman, hindi na naabutan ng mga pulis ang suspek sa lugar nang maganap ang insidente. Naisampa na ang reklamo at kasalukuyan nang nasa tanggapan ng piskalya ang kaso habang hinihintay ang pagpapalabas ng warrant of arrest laban sa suspek.
Samantala, isinailalim din sa psychological evaluation ang biktima dahil sa takot at matinding stress na naranasan nito kasunod ng insidente.
Nagpaalala naman si Daciego sa publiko na hangga’t maaari ay gumamit lamang ng mga pampublikong sasakyang may kaukulang rehistro at prangkisa upang makatulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero.










