Pormal nang binuksan ang Paskuhan 2026 sa Pangasinan sa pamamagitan ng Christmas lighting ceremony ngayong Nobyembre 25 sa Capitol Complex sa Lingayen, na naglalayong maghatid ng mas masayang pagdiriwang ng Pasko para sa mga Pangasinense at bisita ng lalawigan.
Ayon kay Maria Luisa Amor-Elduayan, Department Head ng Pangasinan Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), tampok sa Paskuhan 2026 ang temang Paskong Ang Galing, Serbisyong Mas Magaling, na sumasalamin sa mga inihandang aktibidad at atraksyon ng pamahalaang panlalawigan para sa kapaskuhan.
Kabilang sa mga tampok sa lighting ceremony ang pagpapailaw sa Christmas tree, nativity display, reflecting pool at fountain sa Capitol Complex, gayundin ang iba pang espesyal na atraksyong inihanda ngayong taon.
Pinangunahan ang paghahanda ng programa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Governor Ramon V. Guico III, katuwang ang First Lady Maan Tuazon-Guico at iba’t ibang departamento ng kapitolyo, kasama ang mga partner at performers.
Kabilang sa mga performer sa opening ceremony ang Ligliwa Dance Troupe at mga mag-aaral mula sa Mangaldan National High School na magbibigay-buhay sa Christmas presentation.
Samantala, sa Disyembre 5 naman nakatakdang buksan ang Tawiran Christmas Village sa Maykasa Real Park, kung saan matatagpuan ang Banaan Museum sa Lingayen. Isa rin ito sa mga pangunahing atraksyong inihanda para sa mga mamamayan at turista ngayong kapaskuhan.
Inaasahan namang magbibigay ng mas makulay na karanasan sa mga Pangasinense at bisita ang iba’t ibang aktibidad na nakalinya sa buong Disyembre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko at pagpapakita ng mga programa at serbisyo ng pamahalaang panlalawigan.










