Arestado ang isang itinuturing na High Value Individual matapos ang matagumpay na pagpapatupad ng search warrant ng mga tauhan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP DEG) Pangasinan, kahapon ng umaga sa Lungsod ng Alaminos.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jojo,” isang construction worker at residente ng Brgy. Bolo, Alaminos City.

Ayon kay Police Captain Rowell C. Isit, Team Leader ng Team 2 PDEG Pangasinan, dakong alas-6:00 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa bahay ng suspek.

--Ads--

Nakumpiska mula sa kanya ang labing-tatlong (13) piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 43 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng halos P300,000.

Sinabi ni Capt. Isit na ang suspek ay kabilang sa PDEA watchlist at itinuturing na High Value Individual sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa umano’y malawak na partisipasyon nito sa ilegal na kalakalan ng droga.

Hindi lamang umano sa Alaminos City nag-o-operate ang suspek, kundi maging sa mga karatig-bayan tulad ng Sual at Agno, kung saan niya umano ibinabagsak ang kanyang mga supply sa kanyang mga parokyano at cohorts.

Batay naman sa isinagawang custodial debriefing, lumalabas na sa loob din ng Alaminos City kumukuha ng suplay ng ilegal na droga ang suspek. May mga pangalan na rin umano itong ibinigay sa mga awtoridad, ngunit mailap pa rin ito sa pagbibigay ng iba pang detalye ukol sa kanyang mga pinagbebentahan.

Sa ngayon, sumasailalim na ang suspek sa inquest proceeding at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular na sa possession of dangerous drugs.

Matapos ang inquest, nakatakda siyang i-turnover sa Alaminos City Police Station para sa pansamantalang detensyon habang hinihintay ang kanyang commitment order.

Samantala, muling nanawagan si Capt. Isit sa publiko na huwag matakot na magsumbong sa mga awtoridad kung may namamataan o nalalamang ilegal na aktibidad sa droga sa kanilang mga barangay upang agad itong maimbestigahan at masubaybayan.