Nasamsam ng mga tauhan ng Agno Municipal Police Station ang tinatayang halos ₱16-M halaga ng hinihinalang ilegal na sigarilyo matapos matagpuan ang isang abandonadong mother boat sa ilog ng Barangay Aloleng sa bayan ng Agno dito sa lalawigan ng Pangasinan .

Ayon kay Police Major Noeralyn R. Tamayo, Officer-in-Charge ng nasabing istasyon, rumesponde ang kanilang hanay matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa kahina-hinalang sasakyang pandagat.

Nang inspeksyunin, tumambad sa loob nito ang 251 master cases ng Modern Cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng P127 kada pakete batay sa pamantayan ng kanilang mga nakaraang operasyon.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na inabandona na ang bangka bago pa man ito madiskubre ng mga otoridad .

Saad niya, walang mga residente sa lugar ang nakakakilala sa may-ari nito o nakakita kung sino ang nag-iwan ng bangka at wala ring natagpuang anumang dokumento o pagkakakilanlan sa loob na maaaring magturo sa mga suspek.

Kasalukuyan pang inaalam ng kapulisan kung ipinuslit mula sa ibang bansa ang nasabing kontrabando o kung may mga lokal na grupo at indibidwal mula sa mga karatig-bayan ang nasa likod ng operasyon.

Sa kabuuan, umabot na sa halos P34 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo sa Agno kabilang na ang halos P18 milyong nasabat noong Setyembre at ang halos P1 milyong halaga ng mga sigarilyong natagpuang palutang-lutang sa kanilang karagatan.

Bilang tugon sa sunod-sunod na insidente ng pagpupuslit sa kanilang baybayin, mas paiigtingin pa ng lokal na pulisya ang kanilang maritime monitoring katuwang ang Pangasinan Maritime Law Enforcement Team at Philippine Coast Guard.

Dahil dito, nagpapatuloy naman ang malalimang imbestigasyon upang matunton ang may-ari ng bangka at mapanagot ang mga nasa likod ng ilegal na kargamento.