Isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan ang mas malapit at madaling maabot na serbisyo ng mga ahensya ng pamahalaan, partikular para sa mga mamamayang nahihirapang magtungo sa mga tanggapan dahil sa layo, gastos at mahabang pila.
Ayon kay Atty. Gerald Gallardo, Provincial Director ng DILG Pangasinan, kabilang sa mga madalas na pangangailangan ng mga mamamayan sa mga service caravan ang serbisyo ng Philippine Statistics Authority (PSA), gaya ng pagkuha ng National ID, birth certificate at iba pang dokumento.
Aniya, malaking hamon para sa mga residente ang pagkuha ng online appointment, mahabang pila at limitadong lokasyon ng mga tanggapan ng PSA, lalo na para sa mga nagmumula sa malalayong bayan.
Dahil dito, iminungkahi ni Gallardo na mas mailapit sa mga komunidad ang serbisyo ng PSA at PhilHealth, gayundin ang iba pang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), mga serbisyong may kaugnayan sa migrant workers at Social Security System (SSS).
Binigyang-diin niya na mahalagang maabot ng mga pangunahing serbisyo ang mga ordinaryong mamamayan, kabilang ang mga kabilang sa marginalized sectors, upang mas madaling malaman at mapakinabangan ang mga programa ng pamahalaan.
Ayon kay Gallardo, malaking tulong ang mga service caravan dahil nagiging one-stop shop ang mga ito kung saan maaaring makapunta ang mga mamamayan sa iisang lugar upang magtanong, mag-asikaso ng dokumento at tumanggap ng serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya. Sa ganitong paraan, nababawasan ang oras, pamasahe at pagsisikap na kinakailangan kung hiwa-hiwalay na pupuntahan ang mga tanggapan.
Dagdag pa niya, dapat maging regular na sistema ng paghahatid ng serbisyo ang ganitong mga aktibidad at hindi lamang isagawa sa mga komunidad na saklaw ng Retooled Community Support Program (RCSP), upang mas marami pang mamamayan ang makinabang sa mga programa ng pamahalaan.










