‎Pormal nang pinangalanang Maramba Street ang dating Longos Street sa Barangay Bonuan Boquig, Dagupan City, kasunod ng pagpapatibay ng kaukulang resolusyon ng Sangguniang Panlungsod.
‎
‎Ayon kay City Legal Officer Atty Auroro Valle, layunin nitong kilalanin ang ambag ng Pamilyang Maramba sa kasaysayan ng lungsod, partikular sa edukasyon at paglilingkod sa komunidad.
‎
‎Samantala, bahagi rin ng batayan ng pagpapalit ng pangalan ang ambag ni Don Daniel Maramba sa kasaysayan ng bansa. Kabilang siya sa mga personalidad na lumahok sa kilusang rebolusyonaryo laban sa mga Espanyol at nagsilbi ring gobernador ng Pangasinan.
‎
‎Samantala, itinuturing naman ni Mayor Belen Fernandez na historical ang pagpapalit pangalan ng nasabing street dahil kasunod sa paliwanag ni Atty. Valle, Malaki umano ang naging ambag ng Maramba sa nasabing lugar.
‎
‎Kabilang sa mga pasilidad na nakatayo sa lupang ipinagkaloob umano ng pamilya ang Don Leon Maramba Elementary School, day care center, basketball court, gulayan at kapilya. Si Don Leon Maramba rin ang kinikilalang nagkaloob ng lupang kinatatayuan ng paaralang ipinangalan sa kaniya.
‎
‎Batay sa inilabas na impormasyon ng City LGU, nagpadala na rin ng kaukulang liham ang City Legal Office sa City Assessor’s Office, National Historical Commission of the Philippines at Civil Registry upang ipabatid ang pagbabago.