Hindi nangangahulugang ligtas na sa pananagutan si Vice President Sara Duterte ang pag-atras ng House prosecution panel sa tatlo sa apat na impeachment articles laban sa kaniya, dahil maaari pa ring habulin sa magkakahiwalay na legal na proseso ang mga alegasyong nakapaloob dito.
Ito ang iginiit ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, na nagsabing estratehiya ng prosekusyon ang pag-atras sa tatlong articles upang mapabilis ang resolusyon sa impeachment case laban sa bise presidente.
Sa isang panayam, sinabi ni Cendaña na mahalagang hindi humaba ang paglilitis dahil maaaring makinabang dito ang respondent at unti-unting humina ang interes ng publiko sa kaso.
Kabilang sa mga iniurong na articles ang Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, Article III hinggil sa bribery, at Article IV tungkol sa grave threats.
Gayunman, sinabi ni Cendaña na maaari pa ring magsampa ng magkakahiwalay na kaso laban kay Duterte, sa Office of the Vice President (OVP) at sa panahon na nanungkulan ito bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng paggamit ng confidential at intelligence funds, alinsunod sa umiiral na batas at proseso.
Ipinunto rin niya ang pinal na disallowance ng Commission on Audit (COA) sa P73.287 milyon na confidential expenses ng OVP bilang posibleng batayan ng karagdagang aksiyon ng Office of the Ombudsman.
Ayon kay Cendaña, mahalagang magamit ang mga legal na mekanismo upang matiyak ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sinuportahan din niya ang panawagang alisin ang pagiging classified ng confidential funds na inilaan kay Duterte upang masuri ng publiko at mga awtoridad kung paano ginamit ang mga ito.
Sa kabila ng pag-atras sa tatlong articles, nananatiling nakabinbin sa impeachment trial ang Article II na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente. Tinanggap ng Senate impeachment court ang pag-atras ng prosekusyon noong Oktubre 13.
Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 9, kung kailan inaasahang ihaharap ng defense team ni Duterte ang kanilang panig.










