Dagupan City – Nakiisa ang mga tauhan ng Bugallon Municipal Police Station sa ikalawang semestre ng Barangay Assembly 2026 sa Barangay Cabayaoasan, Bugallon, Pangasinan upang talakayin ang mahahalagang usapin tungkol sa seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa komunidad.

Pinangasiwaan ni PMAJ Rodolfo S. Labayo Jr., officer-in-charge ng Bugallon MPS, ang paglahok ng mga pulis sa aktibidad na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga residente tungkol sa mga programa at batas na may kaugnayan sa kaligtasan ng publiko.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang Community Anti-Terrorism and Awareness (CATA), ELCAC, Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code, Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, Safer Cities Program, at iba pang ordinansa ng munisipalidad.

Dumalo rin sa pagtitipon ang Bureau of Fire Protection (BFP) Bugallon, Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) sa pangunguna ni Gina Eslera, mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan, mga barangay health worker (BHW), Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at iba pang residente.

Bahagi ang aktibidad ng pagsusulong ng aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa adhikain ng Philippine National Police na maghatid ng mabilis, tapat, at makataong serbisyo sa ilalim ng temang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas.