Dagupan City – Arestado ang isang 30-anyos na suspek matapos makumpiska ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱340,000 sa isang buy-bust operation sa Barangay Capantolan, Sual, Pangasinan.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Sual Municipal Police Station (Sual MPS) sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Mark Archie M. Aguilar, officer-in-charge, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).

Nasamsam sa operasyon ang sampung heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, 15 piraso ng ₱1,000 boodle money, isang itim na sling bag, dalawang cellphone, isang improvised glass tooter, isang pares ng gunting, isang itim na pitaka, dalawang disposable lighter, at isang itim na sedan na umano’y ginagamit sa ilegal na bentahan ng droga.

Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng pagkakaaresto sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi, alinsunod sa itinakdang proseso.

Ipinaalam din sa suspek ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kaniyang nauunawaan bago siya dinala sa Sual Primary Care Infirmary Facility para sa pagsusuring medikal.

Dinala sa Sual MPS ang mga nakumpiskang gamit para sa wastong disposisyon, habang nakatakdang sumailalim sa pagsusuri sa laboratoryo ang hinihinalang ilegal na droga.

Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek, alinsunod sa pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento at legal na proseso.