Hinikayat ni Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo ang publiko, mga pribadong grupo at mga ahensiya ng gobyerno na makiisa sa Dugong Bombo: A Little Pain, A Life to Gain, na gaganapin sa ika-14 ng Nobyembre sa Nepo Mall Dagupan.
Ang Dugong Bombo ay kinikilala bilang isa sa pinakamalaking bloodletting activities sa bansa.
Ayon kay Tamayo, mahalagang mahikayat ang mas maraming blood donors upang makatulong na matugunan ang kakulangan sa suplay ng dugo at maipalaganap ang kamalayan ng publiko sa pangangailangan nito, lalo na para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagsasalin ng dugo.
Aniya, isa sa mga dahilan ng kakulangan sa suplay ang pagbaba ng bilang ng mga blood donation noong panahon ng mga bagyo, kaya mahalagang muling palakasin ang pakikilahok ng publiko sa mga gawaing naglalayong makalikom ng dugo.
Binigyang-diin din ng konsehal na ang pagdo-donate ng dugo ay maaaring makapagliligtas ng buhay, hindi lamang ng ibang tao kundi maging ng donor mismo kung mangailangan ito sa hinaharap, alinsunod sa mga umiiral na patakaran sa blood donation at blood services.
Dahil dito, umaasa siyang mas marami pang indibidwal at organisasyon ang makikibahagi sa Dugong Bombo upang makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng dugo ng mga ospital at pasyente.









