Nananawagan ng pakikipagtulungan at maagang paghahanda sa pampublikong kaligtasan ang pamunuan ng Barangay Caranglaan sa lungsod ng Dagupan kaugnay ng banta at epekto ng panahon ng El Niño.
Sa isang panayam kay Punong Barangay Gregorio Claveria Jr., binigyang-diin nito na nakatutok ang buong barangay council sa mga hakbangin at programa ng pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente laban sa mga posibleng sakuna.
Ayon kay Kapitan Claveria, isa sa mga pangunahing binabantayan ng barangay tuwing panahon ng tag-tuyot ay ang insidente ng grass fire o pagkalat ng apoy sa mga bakanteng lote.
Malimit umanong nagmumula ang sunog sa mga itinatapong sindi ng sigarilyo o kaya ay sa mga nagsusunog ng basura na iniiwang hindi lubusang patay ang apoy.
Bagamat sa nakalipas na dalawang taon nang huling nakapagtala ng katulad na insidente sa mga bakanteng lugar na malayo sa kabahayan, tiniyak ni Claveria na nakahanda ang barangay upang mabilis na maapula at maiwasan ang anumang pagkalat nito.
Kasabay nito, nagpaalala rin ang kapitan sa mga residente na maging maingat sa paggamit ng mga kagamitang pangkuryente sa loob ng bahay.
Pinaiiwasan ang sabay-sabay na paggamit ng appliances at pinapayo ang paghugot ng mga saksakan bago umalis ng bahay upang maiwasan ang overheating ng linya ng kuryente na dulot ng matinding init ng panahon.
Samantala, pinawi naman ng punong barangay ang pangamba ukol sa mga ibinebentang parol na gumagamit ng kuryente sa kanilang nasasakupan.
Saad nito na, karamihan sa mga lokal na negosyante sa Caranglaan ay ilang dekada nang nagtitinda ng mga produktong sumusunod sa safety standards at hindi substandard, kaya’t tinitiyak nitong ligtas at de-kalidad ang mga ito para sa mga mamimili.
Dahil dito, iginiit ni Claveria na nakahanda ang buong pamunuan ng barangay na tumugon at tumulong sa anumang pangangailangan ng kanyang mga kabarangay upang mapanatiling ligtas ang buong komunidad sa gitna ng El Niño.










