Hindi magkatulad ang Taiwan at sa Pilipinas sa tradisyonal na paggunita ng Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day tuwing simula ng Nobyembre.

Ayon kay Jason Baculinao ang Bombo International News Correspondent sa bansang Taiwan na magkaiba ang kultura at panahon ng pag-alala sa mga yumao para sa mga mamamayan ng Taiwan at sa komunidad ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs doon.

Ipinaliwanag nito na ang buwan ng Nobyembre ay hindi opisyal na Undas para sa mga Taiwanese, maliban na lamang sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa.

--Ads--

Saad niya na ang mga lokal na residente sa Taiwan ay may sariling bersyon ng paggunita sa mga pumanaw na mahal sa buhay na karaniwang ginaganap tuwing unang bahagi ng Setyembre.

Bagamat magkaiba ang buwan ng paggunita, halos kapareho rin ng tradisyong Pilipino ang ginagawa ng mga Taiwanese kung saan pumupunta ang mga pamilya sa lagakan ng kanilang mga mahal sa buhay upang maglinis ng puntod, magdala ng pagkain, at mag-alay ng panalangin gamit ang pagsisindi ng insenso.

Binigyang-linaw rin ni Baculinao na Buddhism ang pangunahing relihiyon sa Taiwan kasama ang Confucianism, habang mayroon ding kakaunting porsyento ng mga Kristiyano at Katoliko.

Dahil dito, malaki ang pagkakaiba sa paraan ng pagpapalibing sa Taiwan kumpara sa Pilipinas.

Pagbabahagi nito na walang mga sementeryo sa Taiwan na katulad sa Pilipinas na nagbabaon ng kabaong sa lupa o nagpapatong-patong ng semento.

Karamihan sa mga yumao doon ay kine-cremate at inilalagay ang abo o urn sa mga cubicle sa columbarium na katulad ng estilo sa mga Chinese Cemetery.

Kung mayroon man silang mga bukas na sementeryo, ang nakalibing din doon ay mga cremated na abo at hindi nakakabaong.

Kahit aniya hindi ipinagdiriwang ng mga lokal ang Undas tuwing Nobyembre 1 at 2, patuloy namang isinasagawa ng Filipino community ang tradisyonal na paggunita.

Nagdadaos ng mga espesyal na misa at programa ang mga community church para sa mga OFW sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Kaugnay nito, naghahanda rin ang cultural office doon ng iba’t ibang aktibidad at Halloween events para sa mga kababayang Pilipino upang maipagpatuloy ang tradisyong kinagisnan kahit malayo sa pamilya at sa sariling bayan.