Muling umapela ang mga katutubo sa Pangasinan sa Pamahalaang Panlalawigan na aprubahan at ipatupad na ang pag-upo ng isang Indigenous Peoples (IP) Representative sa Provincial Board upang magkaroon ng opisyal na boses ang mga katutubo sa antas ng probinsya.

Sa isang panayam kay Felixfrey Lorenzo, Municipal IPMR ng San Nicolas, inihayag nitong labis nilang kinagagalak ang mga positibong hakbang ng lalawigan matapos buoin ng Provincial Board ang isang komite na nakatutok sa pagbuo ng mga alituntunin o guidelines para sa nasabing representasyon.

Ayon kay Lorenzo, ang inisyatibong ito ay kasunod ng pormal na kahilingang isinumite ng kanilang sektor sa opisina ng gobernador noong 2023.

--Ads--

Sa panibagong pakikipag-ugnayan kay Board Member Noel Bince, nakumpirmang ongoing na ang formulation ng mga alituntunin para sa opisyal na pagpapaupo ng kinatawan ng mga katutubo.

Ipinaliwanag din ni Lorenzo na batay sa Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA Law) at sa mga umiiral na patakaran sa buong bansa, isang kinatawan lamang ang itatalaga para sa buong lalawigan tulad ng ipinatutupad sa mga karatig-lalawigan ng Benguet at Nueva Vizcaya.

Inilahad ng opisyal na napakaraming tribo at ethnicity ang nakatira at nakakalat sa 18 munisipyo sa Pangasinan, kaya naman napakahalagang magkaroon sila ng opisyal na kinatawan na direktang magdadala ng kanilang mga adhikain at usapin sa antas ng probinsya.

Aniya, napakahalagang magkaroon sila ng sariling boses sa Provincial Board alinsunod sa probisyon ng IPRA Law upang direktang maiparating ang mga kapakanan at pangangailangan ng kanilang sektor.

Dagdag pa ng opisyal, isa itong makasaysayang hakbang upang higit na maiangat ang karapatan, kultura, at kapakanan ng mga katutubo sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Kasabay nito, pinaalalahanan niya ang kanyang mga kapwa katutubo sa buong lalawigan, partikular sa San Nicolas, na ipagmalaki ang kanilang pinagmulan, igalang ang kinagisnang kultura, at magkaisa sa pangangalaga sa mga kabundukan at kalikasan.