Hinikayat ni Binmaley Mayor Pedro A. Merrera III ang publiko na makiisa sa boluntaryong pagbibigay ng dugo bilang bahagi ng pagsusulong ng malasakit at pagtutulungan sa mga nangangailangan, kaugnay ng nalalapit na Dugong Bombo 2026 ng Bombo Radyo Dagupan sa Nobyembre 14.

Bilang isa sa mga katuwang ng Bombo Radyo Dagupan sa aktibidad, binigyang-diin ni Merrera ang kahalagahan ng blood donation bilang isang simpleng paraan upang makapagbigay ng pag-asa at pagkakataong mabuhay sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.

Ayon sa alkalde, malaki ang maitutulong ng bawat donasyon, lalo na sa mga pasyenteng nahihirapang makahanap ng sapat na suplay ng dugo. Aniya, sa pamamagitan ng boluntaryong pagbibigay, naipapakita ang malasakit sa kapwa at naisasakatuparan ang pagtutulungan ng komunidad.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na hindi lamang pinansiyal na tulong ang maaaring ibigay sa mga nangangailangan. Ang pagdo-donate ng dugo ay isang mahalagang ambag na maaaring makatulong sa pagliligtas ng buhay.

Kaugnay nito, inaasahang magsisilbing pagkakataon ang Dugong Bombo 2026 upang mahikayat ang mas maraming mamamayan na maging boluntaryong blood donor at makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pasyente.

Nakatakda ang Dugong Bombo 2026 sa Nobyembre 14, sa pangunguna ng Bombo Radyo Dagupan katuwang ang mga partner nito, kabilang si Mayor Merrera, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng serbisyong pangkalusugan at malasakit sa komunidad.