Inaasahang magiging sapat at mananatiling matatag ang suplay at presyo ng bangus sa Pangasinan sa darating na Undas at Kapaskuhan, sa kabila ng pansamantalang pagbaba ng presyo nito dahil sa emergency harvest o maagang pag-aani ng mga isda.

Ayon kay Julius Benagua, technical spokesperson ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan o SAMAPA, may sapat pang imbentaryo ng bangus sa mga fish cage sa lalawigan, kabilang ang mga suplay mula sa kanlurang bahagi ng Pangasinan. Bagama’t nabawasan ang ilang stocks matapos ang sunod-sunod na bagyo noong Agosto at Setyembre, inaasahang makatutugon pa rin ang mga magbabangus sa pangangailangan sa mga susunod na buwan.

Paliwanag ni Benagua, pansamantalang bumaba ang presyo ng bangus dahil sa emergency harvest ng ilang fish farmer. Gayunman, inaasahan niyang magiging mas matatag ang presyo pagsapit ng Nobyembre at Disyembre, basta’t hindi muling makaranas ng malalakas na bagyo ang lalawigan.

--Ads--

Samantala, pinaghahandaan na rin ng mga magbabangus ang posibleng epekto ng El Niño, partikular ang matagal na matinding init at kakulangan sa tubig na maaaring makaapekto sa paglaki at produksiyon ng bangus. Kabilang sa mga inirerekomendang hakbang ang maayos na pamamahala sa dami ng isdang aalagaan, pagsusuri sa kapasidad ng mga palaisdaan at fish cage, at mas pinaigting na pagsubaybay sa kalidad ng tubig upang mabawasan ang posibleng pagkalugi.

Nanawagan din ang SAMAPA sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magbigay ng karagdagang suporta sa mga magbabangus, kabilang ang fingerlings, aerators at tulong pinansyal, upang mapanatili ang produksiyon sa gitna ng pabago-bagong lagay ng panahon. Inaasahan ding magiging mas balanse ang suplay at demand ng bangus sa unang quarter ng 2027.