Naghatid ng iba’t ibang libreng serbisyo at programa ng pamahalaan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan sa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP) noong Oktubre 21, 2026, sa San Quintin, Pangasinan, upang mailapit ang mga pangunahing serbisyo sa mga residenteng nangangailangan nito.
Ayon kay Atty. Gerald D. Gallardo, CESE, provincial director ng DILG Pangasinan, ang San Quintin ang ikalawang bayan na pinagdausan ng Serbisyo Caravan matapos ang naunang aktibidad sa Dasol. Pinagsama-sama sa sentro ng San Quintin ang mga residente mula sa walong target barangay upang mas madaling ma-access ng mga benepisyaryo ang mga serbisyo ng iba’t ibang ahensiya. Ang mga target barangay ay tinukoy sa ilalim ng pambansang Localized Convergence Action Plan (LCAP) dahil sa mga naunang aktibidad ng recruitment ng mga komunistang grupo at lokal na teroristang grupo sa mga liblib na lugar na dati ay mahirap abutin ng serbisyo ng pamahalaan. Matapos ma-clear ng Philippine Army ang mga nasabing lugar, ipinasa ang mga ito sa DILG para sa pagpapatupad ng RCSP, na gumagamit ng pamamaraang nakasentro sa sibilyan at nakabatay sa pangangailangan ng komunidad upang matukoy at maisulong ang mga proyektong maaaring pondohan ng pambansang pamahalaan.
Lumahok sa aktibidad ang 13 pambansang ahensiya ng pamahalaan at tatlong civil society organizations (CSOs) at professional groups, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at iba pang tanggapan, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), at Pangasinan Anti-Drug Abuse Council (PADAC). Kabilang sa mga serbisyong inilapit sa mga residente ang serbisyong pangkalusugan at dental, legal assistance, mga programang pangkabuhayan at skills training, pamamahagi ng mga punla, at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa family planning.
Sa mensahe ni Mayor Farah Lee Lumahan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng RCSP sa pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad at pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran. Nagpasalamat din siya sa DILG, mga katuwang na ahensiya, at mga opisyal ng barangay sa kanilang pagtutulungan upang mailapit ang mga serbisyo sa mga mamamayan. Tiniyak din ng alkalde ang patuloy na pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan sa DILG at iba pang mga katuwang upang makabuo ng mas mapayapa, ligtas, matatag, at maunlad na mga komunidad.
Hinikayat naman ni Gallardo ang mga residente ng mga target barangay na samantalahin ang mga libreng serbisyong hatid ng Serbisyo Caravan upang makatipid sa pamasahe, oras, at iba pang gastusin sa halip na bumiyahe pa patungong Lingayen, Calasiao, o Dagupan upang magtungo sa mga tanggapan ng pamahalaan. Samantala, nakatakdang isunod na pagdausan ng programa ang bayan ng Balungao, bagama’t nakadepende pa ang iskedyul nito sa availability ng mga katuwang na ahensiya. Layunin ng RCSP na matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad, mapalakas ang tiwala sa pamahalaan, at maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.










