Hinimok ni Joshua Mata, secretary general ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang maprotektahan ang mga manggagawa laban sa mga epekto ng El Niño, partikular sa kanilang kalusugan, trabaho at kabuhayan.

Nangangamba si Mata na posibleng maglabas lamang ang DOLE ng mga labor advisory na aniya ay maaaring walang sapat na kapangyarihang mag-utos sa mga employer na sumunod sa mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga manggagawa.

Dahil dito, mas mainam umano kung maglalabas ang kagawaran ng isang department order na magtatakda ng mas malinaw at konkretong mga hakbang para sa proteksiyon ng mga manggagawa.

--Ads--

Ipinunto rin ni Mata na hindi dapat limitado sa mga manggagawang may malinaw na employer-employee relationship ang mga panukalang proteksiyon. Dapat din umanong mabigyang-pansin ang mga nasa impormal na sektor, kabilang ang mga manggagawang agrikultural at mga vendor, na maaari ring mawalan ng kita dahil sa epekto ng matinding init at kakulangan ng tubig.

Binigyang-diin niya na mahalagang matiyak hindi lamang ang kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa, kundi pati ang kanilang kabuhayan. Aniya, hindi sapat ang proteksiyon laban sa sakit kung magugutom naman ang kanilang mga pamilya dahil sa pagkawala ng kita.

Kabilang sa mga pangamba ng sektor ang posibleng pagkakasakit ng mga manggagawa dahil sa matinding init, gayundin ang pagkawala ng trabaho at kita bunsod ng mga pagbabagong maaaring idulot ng El Niño sa operasyon ng mga negosyo at industriya.

Ayon kay Mata, maaaring magpatupad ang mga kumpanya ng mga pagbabago sa iskedyul ng trabaho bilang pag-angkop sa kondisyon ng panahon. Gayunman, mahalagang matiyak na may pagsang-ayon ang mga manggagawa sa naturang mga pagbabago at hindi sila mawawalan ng kita.

Binigyang-diin din niya na hindi dapat pansamantala lamang ang mga solusyong ipatutupad ng pamahalaan. Sa halip, kailangan umanong paghandaan ang mga epekto ng El Niño bilang bahagi ng tinatawag na new normal, sa pamamagitan ng isang komprehensibong transisyon ng mga industriya upang makaangkop sa nagbabagong kondisyon ng klima.

Dahil dito, nanawagan si Mata sa DOLE na bumuo ng mga pangmatagalang hakbang na magsisiguro sa kaligtasan, seguridad sa trabaho at proteksiyon sa kita ng mga manggagawa, kabilang ang mga sektor na madalas na hindi nasasaklaw ng karaniwang mga patakaran sa paggawa.