Seryosong pinagtutuunan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang kahandaan laban sa anumang banta sa seguridad.
Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng libo-libong deboto at turistang patuloy na dinarayo ang itinuturing na pilgrimage town.
Dahil dito, isang real-life scenario bomb drill ang matagumpay na isinagawa sa Regional Evacuation Center sa ilalim ng Project ABKD (Awareness of Bombs that Kill Lives and Destroy Properties) na pinangasiwaan ng Philippine National Police (PNP) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) Canine Unit.
Nakipagtulungan din ang iba’t ibang ahensya gaya ng MDRRMO Manaoag, Manaoag PNP, Manaoag Bureau of Fire Protection (BFP) at Municipal Health Office (MHO).
Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa MDRRMO ng mga katabing bayan ng Mapandan at Laoac, mga miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) mula sa Manaoag National High School, mga Barangay Peace Officers, at mga kawani ng Rural Health Unit (RHU) ng Manaoag.
Mainam na layunin ng simulation drill na ito na palakasin ang koordinasyon, bilis ng pagtugon, at pangkalahatang kakayahan ng mga awtoridad at katuwang na organisasyon sa oras na magkaroon ng banta ng bomba o anumang kaparehong emergency sa komunidad.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na hindi ipinagpapaliban ang paghahanda pagdating sa kaligtasan ng publiko.
Patuloy na paiigtingin ng Manaoag ang kanilang mga pagsasanay at seguridad upang maprotektahan ang bawat mamamayan, bisita, at debotong pumupunta sa bayan.










