Hinimok ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Department of Labor and Employment (DOLE) na patunayan ang kahandaan nito sa pagharap sa inaasahang epekto ng El Niño, partikular sa pagprotekta sa kapakanan at kabuhayan ng mga manggagawa.
Ayon kay Mary Anne Castillo, Secretary General ng KMU, kabilang sa higit na maaapektuhan ng matinding tag-init ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura dahil sa posibleng pagbaba ng produksiyon at kakulangan ng sapat na tulong at ayuda para sa mga magsasaka.
Babala ni Castillo, kapag humina ang produksiyon sa agrikultura, posibleng tumaas ang presyo ng mga pangunahing pagkain. Maaari pa umano itong palalain ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at bayarin sa enerhiya, na lalo pang magpapabigat sa mga manggagawang tumatanggap ng mababang sahod at humaharap sa patung-patong na gastusin.
Dahil dito, hinimok ng grupo ang pamahalaan na direktang puntahan ang mga komunidad ng mga magsasaka upang alamin ang kanilang kalagayan at matiyak ang sapat na tulong, upang maiwasan ang sunod-sunod na epekto ng krisis sa agrikultura at ekonomiya.
Ikinababahala rin ng KMU ang posibleng pagsasara o pagbabawas ng operasyon ng maliliit na negosyo na maaaring magdulot ng pagkawala ng trabaho.
Tutol din si Castillo sa panukalang compressed work week dahil aniya, maaaring mabawasan ang kita ng mga manggagawang arawan ang sahod at madagdagan ang kanilang pagod, habang higit na nakikinabang dito ang mga kumpanya.
Nananawagan ang KMU sa administrasyon na tukuyin ang partikular na pangangailangan ng bawat sektor at magpatupad ng mga hakbang na magtitiyak sa proteksiyon sa trabaho, sapat na sahod at kabuhayan ng mga manggagawa sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño.










