Nasa kustodiya ng Lingayen Municipal Police Station ang isang 66-anyos na lalaki matapos umanong atakihin ng patalim ang kaniyang 60-anyos na asawa sa Barangay Sabangan, Lingayen, Pangasinan, noong Oktubre 18, 2026.

Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, hepe ng Lingayen police, nakatanggap ng tawag ang himpilan bandang alas-6:30 ng gabi hinggil sa insidente. Agad na rumesponde ang Sector 2 Mobile Patrol Unit at inaresto ang suspek, na umano’y nasa impluwensiya ng alak.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagtamo ng mga pinsala sa mukha at kamay ang biktima matapos umano siyang atakihin ng kaniyang asawa gamit ang patalim. Nasa maayos na kalagayan na ang biktima matapos madala sa ospital.

--Ads--

Ayon kay Gonzales, narekober din ng mga awtoridad ang mga patalim na umano’y ginamit o inihandang gamitin sa insidente. Nasa police lock-up cell na ang suspek habang hinihintay ang medical-legal certificate mula sa Lingayen District Hospital bilang bahagi ng paghahanda sa pagsasampa ng kaso.

Inihahanda ng pulisya ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act kaugnay ng umano’y pisikal na pang-aabuso. Nakikipag-ugnayan din ang himpilan sa tanggapan ng piskal at sa PNP Provincial Office para sa gabay sa legal na proseso.

Nagpadala na rin ang pulisya ng liham sa mga opisyal ng Barangay Sabangan kaugnay ng posibleng paglalabas ng Barangay Protection Order para sa biktima. Patuloy namang hinihikayat ng Lingayen police ang publiko na agad magsumbong sa mga awtoridad upang mabigyan ng agarang tulong ang mga nangangailangan.