Pinulong ng Task Force Poso ang mga kinauukulang ahensya para palakasin ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa African swine fever o ASF sa Mangaldan, Pangasinan, matapos magpatupad ng alerto ang lokal na pamahalaan. Kabilang sa tututukan ang paggalaw at pagbebenta ng mga produktong baboy sa bayan.
Ayon kay Gerardo Ydia, Poso Chief ng Mangaldan, Susuriin umano ng mga tauhan ng task force ang mga paninda ng mga ambulant vendor, maging ang mga karne ng manok at isda upang matiyak na walang produktong mula sa mga apektadong lugar na naibebenta sa pamilihan.
Inatasan ding suriin ang mga paninda sa loob ng merkado at tiyaking ligtas ang mga ito bago maipagbili sa mga mamimili. Kasama rin sa mga hakbang ang pagsusuri sa lokal na dressing plant ng bayan upang matukoy kung may posibleng panganib ng pagkalat ng ASF.
Nananatiling nasa yellow zone ang Mangaldan kaugnay ng ASF, kaya pinaigting ng mga awtoridad ang monitoring at inspeksyon sa mga pamilihan, vendor at pasilidad na may kaugnayan sa pagbebenta at pagproseso ng karne.










