Nanawagan si Zambales 2nd District Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz na ipaliwanag ang P319.33 milyong remittance mula China at Hong Kong na natanggap ng CALE88 Foods Corp., na iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Rep. Maniquiz, dapat mabigyang-linaw ang malaking halaga habang naghihirap ang mga mangingisda sa Bajo de Masinloc dahil sa hirap na nilang makapunta sa tradisyonal na fishing ground.

Sinabi ng mambabatas, ang dating kinikita ng ilang mangingisda na P5,000 kada linggo ay bumagsak na lamang sa P200 hanggang P300. May ilan ding umaabot ng isang linggo sa laot ngunit kaunti o walang huli.

--Ads--

“Pagka pinag-uusapan ay kabuhayan, talaga namang masakit pag mawalan ka ng kabuhayan. Hindi lang para sa kanila, para sa kanilang pamilya,” wika ni Rep. Maniquiz.

Batay sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council na iniharap sa impeachment trial, nakatanggap ang CALE88 ng naturang remittance. Gayunman, hindi pinatutunayan ng mga rekord na gobyerno ng China mismo ang nagpadala ng pera.

Dahil dito, hiniling ni Maniquiz na linawin kung saan nagmula at para saan ang naturang pondo, kasabay ng panawagan na matugunan ang paghihirap ng mga mangingisdang Pilipino na apektado ng presensiya ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc.

Humingi rin si Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz ng tulong kay Deputy Speaker Jay Khonghun upang maipaabot sa Kamara at iba pang opisyal ng pamahalaan ang hinaing ng mga mangingisda.