Dagupan City – ‎Nasawi ang isang binata matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang poste ng ilaw sa Barangay San Juan, bayan ng San Jacinto, Pangasinan, pasado alas-nuwebe ng gabi.
‎
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Jacinto Municipal Police Station, binabaybay ng biktima ang kalsada mula sa silangang bahagi patungo sa sentro ng bayan nang mawalan siya ng kontrol sa motorsiklo habang tinatahak ang isang kurbadang bahagi ng daan.
‎
Dahil dito, sumalpok ang motorsiklo sa poste ng ilaw, na nagdulot ng matinding pinsala sa ulo ng driver. Hindi pa tinukoy sa impormasyong nakalap ang iba pang posibleng salik na maaaring nag-ambag sa aksidente.
‎
Agad na isinugod ang biktima sa Mapandan Community Hospital sa bayan ng Mapandan, Pangasinan, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.

Wala pang karagdagang detalye hinggil sa pagkakakilanlan ng biktima at sa iba pang pangyayari sa insidente.