Dagupan City – Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Dagupan City Police Office noong Oktubre 8 at 9, 2026, sa Dagupan City, Pangasinan. Ayon sa pulisya, kapwa residente ng lungsod ang mga suspek na edad 32 at 28.
‎
Sa unang operasyon, dakong alas-10:18 ng gabi noong Oktubre 8, nasamsam mula sa 32-anyos na construction worker ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 1.5 gramo at tinatayang halagang 10,200 piso. Narekober din ang perang ginamit sa transaksiyon.
‎
Samantala, dakong alas-12:34 ng madaling araw noong Oktubre 9, naaresto naman ang 28-anyos na suspek sa ikalawang operasyon.

Nasamsam sa kaniya ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang ding 1.5 gramo at tinatayang halagang 10,500 piso, isang motorsiklong walang plaka, at perang ginamit sa operasyon.
‎
Ayon sa pulisya, gumamit ng body-worn camera sa dalawang operasyon at isinagawa ang pagmamarka at pag-iimbentaryo ng mga ebidensiya sa presensya ng mga suspek at kinakailangang saksi.

Sumailalim sa medical examination ang mga naaresto bago dinala sa kustodiya ng pulisya.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanila habang hinihintay ang paghahain ng kaso sa korte.