Iginiit ni cybersecurity specialist Tzar Umang na hindi sapat ang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad upang matiyak ang kanilang kaligtasan online, at dapat itong samahan ng mahigpit na pagpapatupad ng batas, maaasahang age verification system, at malinaw na pananagutan ng mga kinauukulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Umang na positibong hakbang ang pagsusulong ng panukalang batas na naglalayong limitahan ang pag-access ng mga kabataan sa social media. Gayunman, binigyang-diin niyang magiging limitado ang epekto nito kung ang responsibilidad sa pagpapatupad ay iaasa lamang sa mga social media platform.

Ayon sa kaniya, dapat ding suriin ang pananagutan ng mga magulang o guardian sa mga pagkakataong nakalulusot ang mga batang hindi pa pasok sa itinakdang edad at nakagagawa ng account sa mga naturang platform.

Dagdag pa niya, mahalagang malinaw na maitatakda sa batas ang responsibilidad ng bawat panig upang hindi lamang mga kompanya ng teknolohiya ang managot sa mga paglabag.

Isa sa mga pangunahing hamon sa pagpapatupad ng social media age restrictions ang posibilidad na magsinungaling ang mga user tungkol sa kanilang edad sa oras ng pagpaparehistro.

Ayon kay Umang, hindi sapat ang simpleng paghingi ng identification card (ID) dahil maaari itong mapeke o magamit sa paraang hindi naaayon sa layunin ng beripikasyon.

Iminungkahi niya ang paggamit ng mas maaasahang Know Your Customer (KYC) o Know Your User system, gayundin ang liveness test upang makatulong na matiyak ang tunay na pagkakakilanlan at edad ng nagrerehistro.

Sa pamamagitan ng liveness testing, maaaring gumamit ang mga platform ng camera-based verification upang matiyak na ang aktuwal na taong nagrerehistro ang sumasailalim sa pagsusuri.

Iminungkahi rin ni Umang na pag-aralan ang posibilidad na magamit ang age at identity verification mechanisms na konektado sa Philippine Identification System o National ID sa ilalim ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Gayunman, binigyang-diin niyang kailangang tiyakin ang sapat na proteksiyon sa personal na impormasyon ng mga user. Aniya, mahalagang magkaroon ng malinaw na mga panuntunan sa pangongolekta, paggamit, at pag-iingat ng datos upang hindi malagay sa panganib ang privacy ng publiko.