Patay ang isang bente-nwebe anyos na babae habang sugatan ang dalawang iba pa, kabilang ang isang dalawang-taong-gulang na bata, matapos sumalpok ang isang pick-up sa tricycle sa Barangay Tebag West, Sta. Barbara, Pangasinan.

Naganap ang aksidente pasado alas-kuwatro ng madaling araw.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Sta. Barbara Municipal Police Station, binabaybay ng tricycle na minamaneho ng isang bente-kwatro anyos na security guard ang westbound lane, habang nasa likuran nito ang pick-up na minamaneho naman ng isang trenta’y otso anyos na sales agent at tumatakbo sa inner lane.

Pagdating sa lugar, nabangga ng pick-up ang likurang bahagi ng tricycle, dahilan upang mawalan ng kontrol ang tricycle at ilang ulit na umikot bago huminto sa outer lane ng eastbound lane.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon mula sa tricycle ang drayber at dalawang pasahero nito, kabilang ang kaniyang bente-nwebe anyos na kinakasama at dalawang-taong-gulang na anak ng babae.

Agad silang isinugod sa Urdaneta City District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician ang bente-nwebe anyos na babae.

Nanatili naman sa ospital ang drayber ng tricycle para sa karagdagang gamutan, habang nilapatan ng paunang lunas ang bata at kasalukuyang nasa pangangalaga ng isang kamag-anak.

Samantala, hindi nasaktan ang drayber ng pick-up at dinala sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City para sa medical examination.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan na hindi pa matukoy ang halaga ng pagkasira. Dinala ang mga ito sa Sta. Barbara Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon