Patuloy na nahihirapan ang maliliit na mangingisda sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa mataas na presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Ayon kay Roberto Ballon, chairperson ng Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, bagama’t may ipinagkakaloob na subsidiya ang pamahalaan, hindi ito sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga mangingisda. Hindi aniya araw-araw ang pagbibigay ng ayuda, limitado rin ang halaga nito, at hindi lahat ng mangingisda ay nakatatanggap ng tulong.

Binigyang-diin ni Ballon na ang higit nilang nais ay magkaroon ng tuloy-tuloy na pagkakataong makapangisda upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

--Ads--

Nanawagan din siya sa pamahalaan na magpatupad ng mga napapanatiling programa, kabilang ang pagbibigay ng puhunan at pagtatatag ng mga kooperatiba, upang magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan ang mga mangingisda at hindi lamang umasa sa panghuhuli ng isda.

Hiniling din ni Ballon na mabigyan ng makatarungang presyo ang kanilang mga huli, dahil aniya, mga middleman ang kadalasang nagdidikta ng presyo ng mga isda.

Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng programang magtatakda ng suggested retail price sa bawat rehiyon upang matiyak na may sapat na kita ang mga mangingisda at maibsan ang kanilang paghihirap sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.