Dagupan City – Pumabor ang pamunuan ng League of Barangays of the Philippines (LNB) sa lungsod ng Dagupan sa posibleng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, gayundin sa panukalang pagpapahaba sa limang taon ng termino ng mga opisyal.
Ayon kay LNB Dagupan President at Lucao Barangay Captain Lino Fernandez, na limang beses nang nagsilbi bilang kapitan at kasalukuyang nasa kaniyang huling termino, kulang na kulang ang tatlong taon para sa isang opisyal upang ganap na makapaglingkod at matugunan ang mga suliranin sa kanilang komunidad.
Paliwanag ni Fernandez, sa unang taon ng panunungkulan ay nangangapa at nag-a-adjust pa ang mga bagong halal na opisyal.
Kailangan din aniya nilang sumailalim sa iba’t ibang training, kasama ang kanilang mga appointee gaya ng Barangay Health Workers (BHWs), security personnel, barangay secretary at treasurer.
Sa ikalawang taon pa lamang, aniya, tunay na nakapagsisimula ang mga opisyal sa maayos na pagpapatakbo ng barangay.
Pagsapit naman ng ikatlong taon, nakatuon na agad ang marami sa paghahanda para sa susunod na halalan at pulitika.
Binigyang-diin din ni Fernandez na sa barangay nakasalalay ang pagtugon sa maraming pang-araw-araw na problema ng mga residente—mula sa mga usapin sa Lupon Tagapamayapa at serbisyong pangkalusugan hanggang sa pangongolekta ng basura.
Dahil dito, kinakailangan aniya ng mga opisyal ng sapat na panahon upang maisakatuparan ang kanilang mga programa at serbisyo.
Dagdag pa ni Fernandez, hindi rin aniya praktikal ang kasalukuyang iskedyul ng halalan na itinakda sa Nobyembre 2, dahil kasunod lamang ito ng paggunita sa Undas kung kailan abala ang maraming mamamayan sa pagdalaw at paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Dahil dito, buo ang suporta ng LNB Dagupan sa panukalang gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials, na may limitasyong dalawang magkasunod na termino para sa barangay officials.
Samantala, matatandaang inaprubahan sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives noong Setyembre 8 ang House Bill No. 10971, na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials at magtakda ng dalawang-term limit para sa barangay officials.
Noong Setyembre 9 naman, umusad sa ikalawang pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. 2387, na tumatalakay rin sa pagpapahaba ng termino ng mga barangay at SK officials at pagpapaliban ng BSKE 2026 ngunit tinutulan ng ilang Senador.
Sa kasalukuyan, hindi pa batas ang mga panukalang ito at kailangan pa nitong dumaan sa mga susunod na proseso sa Kongreso bago tuluyang maging batas.
Gayunpaman, nananatiling umiiral ang Republic Act No. 12232, na nagtatakda ng apat na taong termino para sa mga barangay at SK officials at maximum na tatlong magkakasunod na termino para sa mga barangay officials.
Kaugnay nito, nakabinbin pa ang magiging direksyon ng mga panukalang pagbabago sa termino at iskedyul ng BSKE, kabilang ang posibilidad na maisabatas ang bagong limang-taong termino at dalawang-term limit sa pamamagitan ng pagpirma ng Pangulo.










