Iginiit ni Professor Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na hindi dapat agad ituring na pamumulitika ang mga dokumentong inilahad ng prosekusyon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, lalo na kung may ebidensiyang sumusuporta sa mga ito.
Ayon kay Simbulan, tungkulin ng mga ahensiya ng pamahalaan na bantayan ang paggamit ng pondo ng bayan. Aniya, nararapat igalang ang mga dokumentong nagmula sa mga institusyong ito, sa halip na basta kuwestiyunin ang mga ito bilang bahagi ng pamumulitika.
Babala ni Simbulan, kung mawawala ang tiwala at paggalang sa mga ahensiyang nangangasiwa sa kaban ng bayan, posibleng mahirapang panagutin ang mga opisyal na mapatutunayang sangkot sa katiwalian at maling paggamit ng pondo ng publiko.
Kinuwestiyon din ni Simbulan ang ambisyon ni Duterte na tumakbong pangulo sa kabila ng mga isyung ibinabato sa kaniya kaugnay ng paggalang sa mga institusyon ng pamahalaan. Binigyang-diin naman niyang dapat ilahad ng depensa ang sarili nitong mga ebidensiya upang sagutin at kontrahin ang mga dokumentong iniharap ng prosekusyon.










