Dumaranas ng malaking pagkalugi ang mga may-ari ng palaisdaan at mga mangingisda sa Dagupan City matapos mamatay ang maraming bangus dahil sa fish kill na iniuugnay sa pabago-bagong panahon, matinding init, at pag-ulan.

Ayon kay Aristotle De Guzman, may-ari ng palaisdaan sa Pugaro, lumalala ang tinatawag na tangok kapag umuulan sa gabi at tumataas ang tubig pagsapit ng umaga. Dahil dito, maraming bangus ang namamatay bago pa man umabot sa tamang laki at panahon ng pag-aani.

Aniya, mas malala ang kasalukuyang insidente kumpara sa mga naunang fish kill na kanilang naranasan. May mga palaisdaan umanong nawalan ng malaking bahagi ng kanilang alaga, habang ang iba ay napipilitang manghuli ng mga bangus na nasa ilalim ng tubig kahit hindi pa sapat ang laki ng mga ito upang maibenta.

--Ads--

Dahil sa sapilitang pag-aani at dami ng isdang inilalabas sa merkado, bumaba rin ang presyo ng bangus. Ayon kay De Guzman, may ilang produkto na umaabot na lamang sa ₱150 kada kilo, habang ang iba ay mas mababa pa ang halaga depende sa laki at kalidad ng isda.

Bilang hakbang upang mabawasan ang pagkalugi, iminungkahi ni De Guzman na bawasan ang bilang ng mga fingerling na inilalagay sa bawat palaisdaan. Halimbawa, mula sa 10,000 ay maaari itong ibaba sa 7,000 upang maiwasan ang sobrang dami ng isda sa kulungang palaisdaan at mabigyan ang mga ito ng mas maayos na kondisyon sa paglaki.

Samantala, sinabi ni Rolly Ramos, isa ring may-ari ng palaisdaan, na mabilis mamatay ang mga bangus sa ganitong kondisyon ng panahon. Dalawang bangka umano ng mga patay na bangus ang kanilang nakuha, na nagdulot ng malaking pagkalugi sa kanilang kabuhayan.

Patuloy namang nagsasagawa ng pagsusuri sa kalidad ng tubig at pag-iikot ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaang lungsod at agrikultura upang alamin ang posibleng sanhi ng fish kill at matukoy ang lawak ng pinsala. Umaasa rin ang mga apektadong mangingisda na magkakaroon ng tulong-pinansyal upang makapagsimulang muli, lalo na’t pangunahing pinagkukunan ng kita ng maraming pamilya sa lugar ang pag-aalaga ng bangus.