Pinaalalahanan ng pamunuan ng Lingayen Public Market ang mga mamimili na tiyakin ang tamang timbang ng mga produktong binibili, partikular ang karne, upang maiwasan ang kakulangan sa timbang at maprotektahan ang kanilang karapatan bilang konsyumer.
Ayon kay Arnulfo Bernardo, market supervisor ng Lingayen, may mga pagkakataong gumagamit ang ilang tindero ng magkakaibang timbangan o panimbang na maaaring magdulot ng hindi tamang sukat. Dahil dito, pinayuhan niya ang mga mamimili na bantayan ang pagtitimbang at dalhin sa tanggapan ng pamilihan ang kanilang binili kung may pagdududa sa timbang upang muling masukat at mapatunayan kung may kakulangan.
Ipinaliwanag ni Bernardo na kinukumpiska ang mga timbangan o panimbang na mapatunayang ginagamit sa pandaraya. Binibigyan naman ng babala ang mga nagtitindang mapatutunayang lumalabag sa patakaran, at maaaring bawiin ang kanilang permit kapag naulit ang paglabag. Regular ding isinasagawa ang pagkakalibrate ng mga timbangan, karaniwang buwanan o kada tatlong buwan, upang matiyak ang wastong pagsukat.
Samantala, sinabi ni Margie Manaois, isang tindera ng karne sa Lingayen Public Market, na bahagyang mababa ang presyo ng mga produktong baboy. Kabilang sa mga nakaaapekto sa bentahan ang kalagayan ng ekonomiya at mga kalamidad na nakaaapekto sa kakayahan ng mga mamimili na bumili. Tiniyak din niya na dumaraan sa inspeksiyon ang mga produktong karne mula sa pinanggalingan hanggang sa katayan, kabilang ang pagsusuri ng mga kinauukulang tanggapan ng Department of Agriculture at pamahalaang panlalawigan.
Dagdag pa ni Manaois, isinasagawa ang inspeksiyon sa slaughterhouse sa tulong ng mga beterinaryo at kinakailangang dokumento upang matiyak na sumusunod ang mga produktong ibinebenta sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan ng pagkain. Kabilang dito ang mga dokumentong may kaugnayan sa National Meat Inspection Service (NMIS).
Bukod sa pagbabantay sa tamang timbang at kaligtasan ng karne, patuloy din ang paglilinis sa pamilihan. Ayon kay Bernardo, regular na naglilinis ang mga utility worker mula umaga hanggang gabi, habang nagsasagawa rin ng pangkalahatang paglilinis tuwing unang Lunes ng bawat buwan upang mapanatili ang kalinisan ng pamilihan para sa mga mamimili at nagtitinda.










