Humihingi ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP ng kompensasyon mula sa pamahalaan para sa mga magsasakang matinding naapektuhan ng halos isang buwang pag-ulan at pagbaha.

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, dapat umabot sa P80,000 kada magsasaka ang kompensasyon upang makatulong sa pagbawi ng kanilang nalugi, habang P50,000 production subsidy naman ang hinihingi para sa rice farmers at mga mangingisda.

Iginiit ni Ramos na mahalaga ang naturang ayuda dahil umaabot umano sa P50,000 kada ektarya ang karaniwang inuutang ng mga magsasaka para sa produksyon. Dahil sa pagbaha, marami sa mga pananim na nakatakda nang anihin ang hindi na umano mapapakinabangan.

--Ads--

Ang production subsidy naman ay gagamitin sa mga pangunahing pangangailangan sa pagsasaka gaya ng pag-aararo, pagsusuyod, pambili ng pestisidyo at abono, lalo na’t marami umanong magsasaka ang lubog na sa utang.

Ayon kay Ramos, apat sa bawat pitong magsasaka ang umaasa sa pangungutang o panghihiram ng kagamitan para sa pag-aararo.

Inilahad din niya ang umano’y mataas na halaga ng interes sa ilang pautang na ginagamit ng mga magsasaka. Halimbawa, isang bag ng abono ang maaaring ipahiram kapalit ng dalawang kaban ng palay, katumbas ng humigit-kumulang 100 kilo, bilang bayad.

Bukod sa pinsala ng pagbaha, dagdag pasanin din umano sa mga magsasaka ang mataas na presyo ng langis na nakaaapekto sa gastos sa produksyon at transportasyon.

Samantala, iniuugnay rin ng KMP ang paglala ng pagbaha sa mga aktibidad gaya ng mapanirang pagmimina, quarrying at illegal logging sa ilang bahagi ng bansa.

Dahil dito, nanawagan si Ramos sa pamahalaan na tugunan ang korupsyon at tiyaking maayos na naipatutupad ang mga flood control project.

Ayon sa grupo, bilyun-bilyong pisong proyekto ang inilaan para sa flood control, ngunit kapag hindi maayos ang pagpapatupad ng mga ito, patuloy na nalalagay sa panganib ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor ng mga manggagawa.