Opisyal nang nagretiro sa Gilas Pilipinas si nine-time PBA Most Valuable Player na si June Mar Fajardo, matapos ang 13 taon ng paglalaro para sa national team.
Inanunsyo ng 36-anyos na beteranong sentro ang kanyang pagreretiro sa international basketball matapos ang laban ng Gilas Pilipinas kontra Iran sa FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers Window 4 nitong Linggo.
Nagtapos sa panalo ang huling FIBA appearance ni Fajardo matapos talunin ng Gilas Pilipinas ang Iran, 68-56, sa Mall of Asia Arena.
Sa naturang laro, nakapagtala siya ng anim na puntos at dalawang rebounds sa mahigit pitong minutong paglalaro.
Mula nang mapasama sa Gilas noong 2013, nakapaglaro si Fajardo sa tatlong FIBA World Cup at umabot sa 70 laro sa FIBA senior-level competitions, bukod pa sa kanyang mga pagsabak sa Asian at Southeast Asian tournaments.
Kabilang din siya sa koponang nagkamit ng gintong medalya sa 2023 Asian Games.
Ayon sa mga ulat, nais pa ring ipagpatuloy ni Fajardo ang paglalaro ng basketball ngunit nahihirapan na ang kanyang katawan na makasabay sa pisikal na pangangailangan ng international competition.
Ang kanyang pagreretiro ay nagmamarka sa pagtatapos ng mahigit isang dekadang serbisyo para sa national team.










