Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na pabilisin ang pagpuno sa mga bagong posisyon para sa mga mag-aaral na may kapansanan, upang mas mapalawak ang kanilang access sa kinakailangang suporta at serbisyo sa paaralan.

Ayon kay Gatchalian, inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang 133 bagong mga posisyon na may plantilya, kabilang ang mga posisyon para sa Senior Education Program Specialists, Education Program Specialist IIs, Physical Therapist IIs at Occupational Therapist IIs.

Binigyag-diin ng Senate President na mahalagang agad na mapunan ang mga posisyong ito dahil bahagi ito ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11650, o Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act. na naglalayong tiyaking may access ang learners with disabilities sa edukasyon at mga kaugnay na serbisyo.

--Ads--

Inaatasan din ng batas ang DepEd na bumuo ng multi-year roadmap para sa pagpapatupad nito. Kabilang sa mga target ng roadmap ang pagtatatag ng Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs) at paglikha ng mga kinakailangang plantilla position.

Ang mga bagong posisyon na inaprubahan ng DBM ay bahagi ng hakbang upang magkaroon ng mas maraming tauhang may sapat na kasanayan sa pagtugon sa partikular na pangangailangan ng learners with disabilities.

Kabilang dito ang mga physical therapist at occupational therapist, na maaaring magbigay ng specialized support sa mga mag-aaral, gayundin ang mga education specialist na tutulong sa pagpapatupad ng inclusive education programs.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na malaki pa rin ang pangangailangan para sa mga eksperto sa inclusive education.

Dahil dito, iginiit niyang kailangang samantalahin ng DepEd ang mga bagong posisyong naaprubahan at tiyaking mapupunan ang mga ito sa lalong madaling panahon upang hindi maantala ang mga serbisyong nakalaan para sa learners with disabilities.