Dagupan City – Pinagtitibay ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang pakikipagtulungan nito sa Department of Education (DepEd) lalo nasa Schools Division Office Dagupan sa pagpapaigting ng seguridad at kahandaan sa mga paaralan sa lungsod, kasabay ng isinagawang Division Orientation on Contingency Planning for Active Shooter Incidents in Schools and Workplaces.
Dumalo sa orientation ang ilang tauhan ng kapulisan para maghatid ng kaalaman sa ilang mga guro ng nasabing dibisyon.
Ito bahagi ng hakbang ng DepEd na palakasin ang kahandaan ng mga paaralan sa pagtugon sa posibleng active shooter incidents at iba pang emergency situations matapos ang mga naganap karahasan sa ilang paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City
Layunin ng orientation na mapalawak ang kaalaman ng mga school personnel at law enforcement officers hinggil sa contingency planning, emergency preparedness, koordinasyon, at mabilis na pagtugon sa mga insidenteng maaaring magbanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani.
Ayon sa DepEd, mahalagang magkaroon ng malinaw na contingency plan upang maging organisado at maagap ang pagtugon sakaling magkaroon ng banta sa loob o paligid ng paaralan.
Binigyang-diin ni Dr. Marciano U. Soriano Jr., OIC Schools Division Superintendent ng SDO Dagupan City, na ang naturang paghahanda ay nakatuon sa pangangalaga sa buhay ng bawat miyembro ng school community.
Kasama rin sa orientation ang Contingency Plan para sa extreme heat, bilang paghahanda ng mga paaralan sa mga panganib na maaaring idulot ng matinding init sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.
Ayon kay Soriano, mahalagang maitaguyod sa mga paaralan ang kultura ng paghahanda, pagmamalasakit at sama-samang responsibilidad.
Samantala, sinabi ni PCapt. Christopher Agnote, Station Commander ng DCPO Police Station 1, na mahalaga ang aktibong pakikibahagi ng kapulisan sa mga ganitong programa upang matiyak ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng police force at mga paaralan.
Ayon sa opisyal, patuloy ang deployment at regular na pagpapatrolya ng kapulisan sa mga paaralan sa Dagupan City, kabilang ang mga araw na walang pasok, bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DCPO at SDO Dagupan City, inaasahang higit pang mapapalakas ang kahandaan ng mga paaralan sa pagharap sa anumang emergency o security threat.
Samantala, nananatiling pangunahing layunin ng naturang koordinasyon ang pagtiyak na ligtas ang mga paaralan at ang bawat mag-aaral, guro at kawani, habang isinusulong ang isang mas organisado, maagap at sama-samang pagtugon sa anumang posibleng banta sa school community.










