Nanindigan si House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Suansing na hindi naglalaman ng insertions o pork barrel ang pambansang pondo ngayong 2026 maging ang panukalang pondo para sa susunod na taon.
Iginiit ng mambabatas na naging “transparent” ang kanilang mga isinagawang deliberasyon sa pambansang pondo para ngayong taon. Ipinakita rin aniya ang lahat ng mga ipinasok na institutional amendments sa pondo.
Pagdating naman sa panukalang pondo para sa 2027, ipinaliwanag ni Rep. Suansing na ang pagbalangkas ng NEP ay nasa hurisdiksiyon lamang ng ehekutibo.
Kaugnay nito, mariin niyang itinanggi ang alegasyong may naisamang pork barrel o insertions sa panukalang pondo dahil sa puntong ito, hindi pa nakikita at nabubusisi ng Kongreso ang nilalaman ng NEP.
Ginawa ng mambabatas ang paglilinaw matapos tuluyan nang naipasakamay ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives kahapon, Agosto 11, ang panukalang P7.2 trillion na National Expenditure Program (NEP) o panukalang badyet ng Marcos administration para sa fiscal year 2027.
Nauna naman nang kinuwestyon ng miyembro ng House Justice Committee na si Rep. Terry Ridon ang alegasyon ng insertions sa panukalang 2027 national budget gayong hindi pa aniya nagsisimula ang deliberasyon ng komite at hindi pa ito nakikita ng mga kongresista at senador.
Nauna na kasing inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isang panayam na ilang mambabatas umano na nakikinabang sa mga budget insertion ay kasapi ng House prosecution panel na humahawak sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte,
Kaugnay nito, hinamon ni Ridon ang alkalde na pangalanan ang tinutukoy niyang sangkot sa mga insertion sa pondo. Sa kabila nito, iginiit ni Ridon, na isa rin sa House prosecutor, na hindi sila matitinag at patuloy na nakapokus sa kanilang trabaho.










