Nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng mas istriktong parusa laban sa mga mag-aaral na sangkot sa seryosong bullying, pisikal na pananakit at iba pang gawain naglalagay sa panganib sa kaligtasan sa paaralan.

Nakapaloob ito sa DepEd Order No. 006, s. 2026, o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE), na nagtatakda ng magkakaibang parusa depende sa bigat at pag-uulit ng paglabag.
Para sa serious offenses gaya ng paulit-ulit na bullying at online harassment, maaaring patawan ng hanggang limang araw na suspension at i-refer sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa unang paglabag. Maaari namang mauwi sa non-readmission sa ikalawa at exclusion sa ikatlong paglabag.

Para sa high-risk acts gaya ng matinding pisikal na pananakit, bomb threat at mapanganib na hoaxes, maaaring ipatupad ang non-readmission sa unang paglabag, permanenteng exclusion sa ikalawa, at referral sa mga awtoridad.

--Ads--

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi ikokompromiso ng DepEd ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa kabila ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga lumalabag na magbago.

Samantala, maaaring magpatupad ang school head ng hanggang 30 araw na preventive suspension habang iniimbestigahan ang kaso kung itinuturing na patuloy na banta sa kaligtasan ng campus ang mag-aaral.