Hindi sapat ang alternative delivery mode (ADM) upang matiyak ang tuloy-tuloy at de-kalidad na pagkatuto ng mga mag-aaral sa kabila ng halos tatlong linggong suspensyon ng klase.

Ayon kay Ruby Bernardo, National Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines, bagama’t patuloy na nagsasagawa ng mga learning activity ang mga guro sa ilalim ng ADM, marami pa ring hadlang upang maging epektibo ito, lalo na sa mga lugar na nakararanas ng masamang panahon at iba pang kalamidad.

Dahil dito, sinabi ni Bernardo na hindi maaaring ituring ang ADM bilang sapat na solusyon upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon sa panahon ng matagal na suspensyon ng klase.

--Ads--

Kasabay nito, hinamon ng ACT ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng masusing assessment sa ipinatutupad na three-term school calendar.

Ayon kay Bernardo, ipinangako ng DepEd na makatutulong ang bagong school calendar upang matugunan ang 58 araw na nawalang pasok noong nakaraang school year. Ngunit sa patuloy na pagkakaroon ng suspensyon ng klase, aniya, kailangang suriin kung epektibo ba talaga ang naturang sistema.

Nanawagan din ang grupo na isama sa assessment ang mga guro at iba pang education stakeholders upang magkaroon ng mas makatotohanang pagsusuri sa epekto ng pagbabago sa school calendar.

Samantala, nagpahayag ng suporta si Bernardo sa panukalang magkaroon ng mga permanenteng evacuation center na hiwalay sa mga paaralan.

Ayon sa kanya, malaking pasanin sa mga guro at school personnel ang paggamit sa mga paaralan bilang evacuation centers, dahil matapos gamitin ng mga evacuee ay kinakailangan pa itong linisin at ihanda para sa pagbabalik ng klase.

Dagdag pa niya, awtomatikong nagiging bahagi ng disaster response ang mga guro at school personnel, kabilang ang kanilang pagiging DRRM coordinators, nang walang karagdagang kompensasyon.

Para kay Bernardo, mas mainam na magkaroon ng mga nakalaang pasilidad para sa mga residenteng kailangang lumikas upang mapanatili ang mga paaralan bilang pangunahing lugar para sa pagtuturo at pagkatuto.