Dagupan City – Pinaigting ng Mapandan Police Station ang paghahanda ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan sa posibleng banta sa seguridad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng School Safety Lecture for Active Threats sa dalawang paaralan sa bayan ng Mapandan, Pangasinan.

Isinagawa ang aktibidad sa Amanoaoac Elementary School noong Oktubre otso at sa Primicias Elementary School noong Oktubre nuwebe.

Pinangunahan ito ni Police Lieutenant Celeste C. Cereno, deputy chief of police, sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Major Vincent Jasper B. Magsarili, officer-in-charge ng Mapandan Police Station.

--Ads--

Nakatuon ang lecture at drill sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga kalahok tungkol sa mga nararapat na hakbang at tamang pagtugon sa oras ng emergency, partikular sa mga sitwasyong may banta sa kaligtasan sa loob ng paaralan.

Binigyang-diin sa aktibidad ang kahalagahan ng pananatiling kalmado, pagiging mapagmatyag, at pagsunod sa mga itinakdang safety procedure sa panahon ng isang emergency.

Aktibong nakibahagi ang mga mag-aaral sa pagpapakita ng wastong lockdown procedure upang mas maunawaan nila ang mga hakbang na dapat gawin sakaling magkaroon ng banta sa loob ng paaralan.

Layunin ng mga aktibidad na mapalakas ang kahandaan ng mga mag-aaral at school personnel, gayundin ang koordinasyon ng mga opisyal ng barangay, pamunuan ng paaralan, at mga emergency responder sa pagtiyak ng kaligtasan ng bawat isa.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Mapandan Police Station na palakasin ang kamalayan at kahandaan ng komunidad upang makatugon nang maayos sa mga posibleng insidente at emergency.