Dagupan City – Nananawagan ng sapat na tulong pinansyal ang mga tricycle operator sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na operasyon at kita.
Ayon sa grupo, dagdag na pasanin sa kanilang hanapbuhay ang pagtaas ng gastusin sa krudo habang patuloy silang bumibiyahe upang kumita.
Sinabi ni Ricky Imuan, pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA sa Mangaldan, na kulang na kulang ang limang libong pisong fuel subsidy na natanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pamamasada.
Sa ngayon, wala pa umanong natatanggap na impormasyon ang grupo hinggil sa posibleng pamamahagi ng ikalawang bugso ng fuel subsidy.
Gayunman, sinabi ni Imuan na kung magkakaroon muli ng ayuda, malaking bagay ito sa mga tsuper na patuloy na nahaharap sa mataas na gastos sa gasolina.
Tiniyak naman ni Imuan na, batay sa kanilang impormasyon, walang tricycle driver sa bayan ang hindi nakatanggap ng naunang ayuda.
Sa kabila nito, nananatili ang panawagan ng sektor para sa karagdagang suporta upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa kanilang kabuhayan.










