Dagupan City – Umabot sa 60 mag-aaral mula sa Grade 7 ng Pangasinan National High School ang nakatanggap ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng isang feeding program at pamimigay ng health kits.

Ang naturang aktibidad ay isinagawa kasabay ng pormal na paglulunsad ng Provincial Assessment Office (PASSO) sa programang Guiding and Lifting Individuals through Nurturing Growth: Provincial Assessment Service Outreach (Pangasinan Ang Galing – PASO).

Layunin ng feeding program na matugunan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga napiling estudyante upang mapabuti ang kanilang kalusugan at pag-aaral.

--Ads--

Bukod sa libreng pagkain, namahagi rin ang pamahalaan ng mga blue bag at mga batayang gamot bilang karagdagang suporta sa pangangalaga sa kalusugan ng mga kabataan.

Ayon sa pamunuan ng PASSO, bahagi ito ng inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Ramon V. Guico III na mailapit ang mga pangunahing serbisyo at programa ng kapitolyo sa mga mamamayan, lalo na sa mga higit na nangangailangan.

Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan na ipagpapatuloy ang pag-ikot sa iba’t ibang paaralan at komunidad sa buong lalawigan upang mas maraming Pangasinense ang makinabang sa mga programang pampubliko sa kalusugan at edukasyon.