Ganap nang naging isang Tropical Depression ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakabagong ulat ng state weather bureau.

Ibinigay sa naturang bagyo ang lokal na pangalang Neneng, na siyang ika-14 na bagyo ngayong 2026.

Batay sa monitoring ng ahensya nitong hapon, huling namataan ang sentro ng Bagyong Neneng sa layong 1,035 kilometro sa silangan ng Extreme Northern Luzon.

--Ads--

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometers per hour (km/h) malapit sa sentro at may mga pagbugso na umaabot sa 55 km/h.

Kasalukuyang kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.

Patuloy na pinapayuhan ng DOST ang publiko at ang mga lokal na pamahalaan, lalo na sa hilagang bahagi ng bansa, na subaybayan ang mga susunod na weather bulletin para sa mga posibleng itaas na Tropical Cyclone Wind Signals at babala sa pag-ulan.