Nanawagan si Argel Cabatbat ng Magsasaka Partylist na dagdagan at tiyaking direktang maipagkakaloob sa mga magsasaka ang tulong-pinansyal bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Cabatbat, mabigat na ang kalagayan ng mga magsasaka kahit hindi pa nagsisimula ang matinding tagtuyot dahil sa sunod-sunod na pag-ulan na nagdulot ng malaking pinsala sa mga pananim. Batay sa kaniyang ibinahaging datos, umabot na umano sa 6.8 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa mga pananim sa buong bansa, na may kabuuang 250-libong ektarya ng lupang sakahan na apektado. Kabilang dito ang 1.5 bilyong pisong pinsala sa palay, habang limang milyong piso naman ang naitala sa mais at iba pang high-value crops.
Nagbabala si Cabatbat na maaaring madagdagan pa ang problema ng mga food producer sa pagdating ng El Niño, kabilang ang posibleng pagbaba ng suplay ng pagkain at pagkalugi ng mga magsasaka at magbababoy. Aniya, apektado rin ang demand sa mais, habang posibleng tumaas ang gastos sa produksyon dahil sa inaasahang pagmahal ng diesel na ginagamit sa mga water pump para sa mga sakahang walang irigasyon.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang bantayan ang posibleng epekto ng matinding init sa produksyon ng manok at itlog, na maaaring makaapekto sa suplay at presyo ng mga produktong ito. Hinimok niya ang mga kinauukulan na tiyaking hindi mauubos ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng inaasahang tagtuyot.
Bilang paghahanda, iminungkahi ni Cabatbat na hikayatin ang mga magsasaka sa mga lugar na walang irigasyon na magtanim ng mga pananim na matibay sa tagtuyot. Ayon sa kaniya, bagama’t may katiyakan ang National Irrigation Administration sa patuloy na suplay ng tubig sa mga sakahang may irigasyon, kakailanganin naman ng mga magsasaka sa ibang lugar ang mga water pump na nangangailangan ng karagdagang gastos sa krudo.
Binanggit din ni Cabatbat ang inilaan umanong 46-bilyong pisong pondo bilang tulong sa mga magsasaka kaugnay ng inaasahang pinsala at pagkalugi. Hiniling niyang direktang ipamahagi ang ayuda sa mga magsasaka sa halip na dumaan pa sa iba’t ibang ahensiya, dahil mas alam umano ng mga ito ang aktuwal na pangangailangan sa kanilang mga sakahan.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga may-ari ng cold storage facilities at middle men, na huwag samantalahin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pag-iimbak o pagho-hoard ng suplay ng bigas. Aniya, mahalagang matiyak ang sapat na suplay at maiwasan ang dagdag na pasanin sa mga magsasaka at mamimili sa harap ng mga hamong dulot ng El Niño.










