DAGUPAN CITY — Pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang sports development upang higit na mapaunlad ang kakayahan ng mga kabataang atleta at maihanda sila sa mga pambansa at pandaigdigang kompetisyon.

Ayon kay Rosales Mayor William “Liam” Cezar, team manager ng Pangasinan Asinderos, mahalagang mamuhunan sa sports upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang may talento na maipagpatuloy ang kanilang mga pangarap sa kabila ng kakulangan sa pinansyal na suporta.

Binigyang-diin ni Cezar na hindi lamang medalya ang sukatan ng tagumpay sa sports, kundi maging ang mga oportunidad na naibibigay nito sa mga atleta upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

--Ads--

Bilang inspirasyon sa mga kabataang Pangasinense, binanggit niya ang mga atletang sina Danny Ildefonso at Renz Ubando, na nagpakita ng kakayahan sa larangan mg basketball.

Samantala, sinabi ni Cezar na unti-unti nang itinatatag ang pundasyon ng sports development sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbuo ng core group ng mga atleta at paghahanda sa mga coach at trainer na gagabay sa kanilang pagsasanay, sa suporta ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III.

Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng mga atletang Pangasinense at ihanda sila sa mga kompetisyon, kabilang ang Palarong Pambansa.

Dagdag ni Cezar, nagsisilbi ring instrumento ng pagkakaisa ang sports dahil ang tagumpay ng mga atleta ay karangalang pinagsasaluhan ng buong lalawigan, anuman ang pagkakaiba-iba sa pulitika.

Matatandaang kasalukuyang nasa Malaysia ang Pangasinan Asinderos Volleyball Team para lumahok sa isang torneo na suportado ng pamahalaang panlalawigan.

Para kay Cezar, ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga atleta ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas matatag na kinabukasan ng sports sa Pangasinan.