Dagupan City – Malugod na tinanggap ng grupong Rise Up for Life and for Rights ang pahayag ng International Criminal Court (ICC) na fit to stand trial o may kakayahang humarap sa paglilitis si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Rubylin Litao, coordinator ng grupo, ikinatuwa umano ng mga pamilya ng mga biktima ang naturang development matapos ang halos isang dekadang paghihintay para sa hustisya. Binigyang-diin din niya na ang mga pamilya ng mga nasawi sa kampanya kontra droga ang tunay na mga biktima at hindi ang dating pangulo.

Wala rin umanong nakitang pagsisisi ang grupo mula kay Duterte kaugnay ng mga pagkamatay sa ilalim ng kaniyang war on drugs. Giit ni Litao, mula nang dalhin ang dating pangulo sa The Hague, ang mga hakbang ng depensa umano ang nakapagpapatagal sa proseso ng paglilitis. Aniya, maging sa status conference ay nagkaroon pa ng mga pagkaantala sa pagdinig.

--Ads--

Samantala, patuloy pa ring sinusuri ng ICC ang kalagayan ng kalusugan ng dating pangulo. Nakatakda namang magpatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 30, batay sa impormasyong ibinahagi ni Litao. Dagdag niya, nakahanda ang ICC na tugunan ang anumang pangangailangan sa kalusugan ni Duterte habang nagpapatuloy ang proseso.

Patuloy rin umanong nakikipag-ugnayan ang grupo sa mga pamilya ng mga biktima upang matulungan silang maiparating ang kanilang panig sa paglilitis. Pinag-aaralan din nila ang mga proseso sa ICC at hinihikayat ang iba pang pamilya ng mga biktima na makipag-ugnayan sa kanilang grupo upang mabigyan ng pagkakataong marinig ang kanilang mga salaysay.