Dagupan City – Ipinaliwanag ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) kung bakit ilang linggo nang nararanasan ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa habagat.
Ayon kay Gener Quitlong, weather specialist ng PAGASA, ang namataang Low Pressure Area (LPA) ay may katamtamang posibilidad na maging isang bagyo.
Ipinaliwanag ni Quitlong na lumalakas ang habagat kapag mayroong LPA o bagyo.
Aniya, tila hinihigop ng LPA o bagyo ang habagat, dahilan upang mas lumakas ang daloy nito.
Kapag lumakas ang habagat, mas mabilis ding gumagalaw ang mga kaulapan na nagdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag din niya kung bakit patuloy ang pag-ulan sa Pangasinan.
Ayon kay Quitlong, nasa western part ng Luzon ang lalawigan kaya direktang nararanasan nito ang epekto ng habagat.
Wala rin umanong malaking harang na maaaring pumigil sa pagpasok ng mga kaulapan na nagdadala ng ulan.
Samantala, nakataas ang Yellow Rainfall Warning sa Metro Manila, Cavite at Zambales.
Nangangahulugan ito na kailangang maging alerto ang mga residente dahil may posibilidad ng mas malakas na pag-ulan.
Batay sa mga inilalabas na rainfall warning ng PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at updated sa mga opisyal na abiso ng PAGASA.
Mahalaga ring alamin kung kinakailangan nang lumikas, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng pagbaha at iba pang panganib dulot ng patuloy na pag-ulan.










