Pinalalakas ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Manaoag ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking pondo, makabagong pasilidad, at mabilis na tulong pampinansyal para sa mga lokal na magsasaka sa gitna ng mga hamon sa panahon.
Bagama’t kilala ang bayan ng Manaoag bilang Pilgrimage Tourism Site sa Pangasinan ay nakadepende parin sila sa agrikultura
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na nasa humigit-kumulang 60 hanggang 65 porsyento ng lokal na ekonomiya ng Manaoag ay nasa sektor ng agrikultura.
Dahil dito, itinutok ng pamahalaang lokal ang malaking bahagi ng taunang badyet nito sa pagpapaunlad ng sakahan at pagpapatayo ng mga pasilidad gaya ng bagong Farmers Lounge at Training Center.
Ayon sa alkalde, pangunahing layunin ng bayan ng Manaoag na patuloy na magabayan at maturuan ng mga eksperto ang mga magsasaka upang mapaganda ang kanilang ani at maayos ang mga kinakaharap na problema sa sakahan.
Hinihimok din ng alkalde ang mga magsasaka na huwag humintong matuto at yakapin ang mga bagong innovations sa agrikultura.
Isinusulong din ng munisipalidad ang modernisasyon at modernong pamamahagi ng pondo gaya ng UPLIFT Program, kung saan nakatatanggap ang mga kwalipikadong magsasaka ng ₱2,000 buwan-buwan hanggang Disyembre sa pamamagitan ng ATM at online transaction upang matiyak ang transparency.
Samantala, tinatayang umabot sa ₱2 milyong halaga ng pinsala sa mga pananim ang naitala dahil sa paninilaw ng mga ito dulot ng kawalan ng sikat ng araw sa nagdaang habagat.
Sa kabila naman ng banta ng tagtuyot o El Niño pagkatapos ng tag-ulan, kinakitaan pa rin ng magandang senyales ang bayan dahil wala pa namang naitalang natutuyong mga pananim.
Malaking tulong umano ang paminsan-minsang pag-ulan tuwing hapon at gabi upang makapagbigay ng malamig na panahon at sapat na tubig sa mga palayan.










