Inirekomenda ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na higpitan pa ang pagbabawal sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na magkaroon ng business dealings sa ibang bansa.
Kinabibilangan ito ng presidente, bise presidnte, cabinet members, at mga mahistrado ng Supreme Court.
Katwiran ng kalihim, mas lalong sensitibo ang business deals sa mga bansang tulad ng China na mayroong ‘adverse claim’ laban sa Pilipinas, dahil sa West Philippine Sea.
Ginawa ng kalihim ang pahayag, kasunod ng umano’y pagtanggap ng kumpanyang kinauugnayan nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Mans Carpio, ng daan-daang milyong halaga ng pera mula sa China.
Ayon sa kalihim, tungkulin ng isang pampublikong opisyal na pangalagaan ang kanyang posisyon at magdesisyon alinsunod sa batas, ikabubuti ng bansa, at sa interest ng bansa sa iba’t-ibang larangan.
Ayon kay Teodoro, kailangan munang ma-establish kung totoo nga ang alegasyon kina VP Sara at Atty. Carpio, ngunit kung napatunayang totoo aniya, maituturing itong isang malaking ‘national security risk’ na dapat mabantayan ng PH government.
Unang lumabas ang naturang isyu sa impeachment trial, kasunod ng pagkakalantad ng iba’t-ibang financial records ng mag-asawang Duterte-Carpio.










