Kinuwestiyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pahayag na kakulangan ng mga kuwalipikadong aplikante ang dahilan kung bakit tinatayang 23,000 paaralan sa bansa ang walang punong-guro o principal.

Ayon kay Ruby Bernardo, chairperson ng ACT, marami umanong guro ang kuwalipikado at nakapasa sa National Assessment for School Heads (NASH), ngunit hindi pa rin naitatalaga bilang principal dahil sa kakulangan ng mga bakanteng posisyon o item.

Dahil dito, iginiit ni Bernardo na hindi lamang ang kuwalipikasyon ng mga aplikante ang dapat suriin, kundi pati ang bilang ng mga posisyong inilaan ng pamahalaan para sa mga punong-guro.

--Ads--

Iminungkahi rin ng ACT na dagdagan ang mga item para sa posisyon ng principal upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming kuwalipikadong guro na maitalaga sa mga paaralan.

Ayon kay Bernardo, mula sa mahigit 47,000 pampublikong paaralan sa bansa, mahigit 20,000 lamang umano ang may katumbas na lehitimong item para sa posisyon ng principal. Dahil dito, maraming kuwalipikadong aplikante ang hindi nagkakaroon ng pagkakataong maitalaga sa kabila ng kanilang mga kwalipikasyon.

Binanggit din niya ang usapin sa sahod ng mga punong-guro. Aniya, may mga principal na tumatanggap lamang ng suweldong katumbas ng Teacher III (T-III), bagay na nagpapakita rin ng mga hamon sa sistema ng pagtatalaga at kompensasyon sa sektor ng edukasyon.

Samantala, nabanggit din ang planong pagpapadali ni Education Secretary Sonny Angara sa mga kinakailangan para sa assessment ng mga aplikanteng nais maging school head. Gayunman, iginiit ng ACT na kasabay ng anumang pagbabago sa proseso ay dapat ding tiyakin ang sapat na bilang ng mga posisyon para sa mga kuwalipikadong aplikante.

Bukod sa kakulangan ng mga principal, nagpahayag din ng pagkabahala ang grupo sa umano’y kakulangan ng pondo para sa edukasyon, partikular sa pagkuha ng mga bagong guro at pagpapatupad ng mga programang pang-akademiko.

Ayon kay Bernardo, wala umanong sapat na badyet para sa pagkuha ng karagdagang mga guro, habang kinukuwestiyon din ng grupo ang kakulangan ng pondo para sa ARAL Program, na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Binigyang-diin ng ACT na kapag kulang ang mga kawani at kinakailangang programa, napipilitan ang mga guro na akuin ang dagdag na responsibilidad upang punan ang mga kakulangan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).