Naghahanda ang Pangasinan Public Employment Service Office (PESO) ng mga susunod na job fair upang mabigyan ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mga residente ng lalawigan.

Ayon kay Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III ng Pangasinan PESO, matagumpay nang naisagawa ang Job Fair Caravan noong Oktubre 6 at noong Oktubre 9 katuwang ang lokal na pamahalaan ng San Manuel.

Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang Tara, Trabaho! G Mega Job Fair sa Nobyembre 12, na itinataguyod ni Senador Win Gatchalian, at ang Tara, Trabaho! G Mega Job Fair Caravan sa Nobyembre 27. Nakatakda ring magsagawa ng job fair sa Oktubre 27, ayon sa paunang impormasyon mula sa tanggapan.

--Ads--

Para sa mga aplikante, hinihikayat na ihanda ang kanilang résumé o biodata at iba pang dokumentong magagamit sa pag-aapply. Maaari ring dalhin ang mga training certificate, kabilang ang mga kaugnay ng on-the-job training (OJT), kung mayroon. Ang iba pang dokumento gaya ng mga clearance ay maaaring isumite kapag nakapasa na sa unang screening ng kompanya o ahensiya.

Bago maisagawa ang mga job fair, kumukuha muna ang PESO ng kaukulang job fair clearance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE). Kasunod nito ang pagpapalaganap ng impormasyon sa mga lokal na pamahalaan, PESO managers, paaralan, mga graduate at iba pang posibleng aplikante upang mas maraming naghahanap ng trabaho ang maabot ng programa.

Magkakaroon din ng mga serbisyong hatid ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng one-stop shop, kabilang ang Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Professional Regulation Commission (PRC), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Migrant Workers (DMW) at DOLE. Kabilang sa mga serbisyong maaaring makuha ang tulong sa mga dokumento at lisensiya ng mga propesyonal, gayundin ang ilang libreng serbisyo sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na institusyon. Walang bayad ang mga serbisyong ito.